Anomalya sa DPWH, lilinisin ayon kay Usec.Espiritu
- Published on February 11, 2026
- by @peoplesbalita
MALUGOD na tinanggap at pinaunlakan ang mga bumisitang mamamahayag para makapanayam ang Undersecretary ng Finance, HR , Procurement ng Department of Public Works and Highways o DPWH na si Usec. Atty. Rio Espiritu ukol sa mga isyu na ipinupukol sa kanilang ahensya.
Aniya, sa kabila ng mga isyu na ito ay unti – unting binabago ang imahe ng kanilang departamento dahil sa sunud sunod na mga lumabas na anomalya na galing sa nasabing ahensya. Patuloy ang kanilang pag-iimbestiga para mapanagot ang mga tunay magnanakaw sa kaban ng bayan.
Isa na rito ang mga kontraktor na nagpapayaman kasama ang mga taong nasa likod nang maanomalyang flood control projects at mga ghost projects sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.
Tuluyan nang sinampahan ng kaso ang mga mapapatunayan na kasabwat sa nasabing eskandalong kinasangkutan ng mga District Engineers, Assistant District Engineers, Regional Directors, Assistant Regional Directors at iba pang sangkot dito kasama ang mga senador, kongresista at kontratista ng nasabing ahensya.
Sinabi rin ni Usec. Espiritu na ang lahat ng ari-arian ay mapi -freeze, kapag mapatunayan na ito ay galing sa kaban ng bayan at ito ay mapupunta sa national treasury upang magamit ang pondo sa iba pang mga proyekto ng pamahalaan.
Dahil ayon sa utos ng ating Pangulong Marcos ay lilinisin nang husto ang ahensya at baguhin ang imahe nito.
Sinabi rin ni Usec. Espiritu, sa tulong ni Secretary Vince Dizon ay mapapanagot na ang lahat ng may sala at bukod pa rito ay malilinis ang imahe ng ahensya para maibalik ang kompyansa ng taumbayan sa DPWH. (Kim Bornella/ Photos: Boy Morales Sr.)