• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lalaki, kulong sa pangmomolestiya sa minor sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 43-anyos na lalaki na akusado sa pangmomolestiya sa isang menor-de-edad na biktima nang matiklo ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Caloocan City.

Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ng ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis sa akusado na si alyas “Well”, na kabilang sa mga Most Wanted Person ng Caloocan CPS.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Hillcrest Police Sub-Station 8, kaagad nilang ikinasa ang operation laban sa akusado sa pangunguna ni P/Lt. Ralden Gumacal.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga tauhan SS8 sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Art. 336 of RPC (Acts of Lasciviousness) in relation to R.A 7610 makaraang masukol sa Deparo 2, Barangay 170, dakong alas-4:30 ng hapon.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang dedikasyon at kasipagan na nagresulta sa matagumpay na operation.

Aniya, ang operation ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa lungsod. (Richard Mesa)