80 pamilya, nawalan ng tirahan sa sunog sa Malabon, 2 sugatan
- Published on February 11, 2026
- by @peoplesbalita
TINATAYANG aabot sa 80 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupulin ng apoy ang mahigit 60 kabahayan sa naganap na malaking sunog na sumiklab sa Malabon City, Martes ng madaling araw.
Batay sa ulat ni F/Sup. Errick Derro ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimulang sumiklab ang sunog dakong alas-3:12 ng madaling araw sa ikatlong palapag ng isang bahay sa 83 Mabolo St. Brgy. Maysilo
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga katabing kaya kaagad itinaas ang sunog sa ikalawang alarma dakong alas-3:33 ng madaling araw.
Aminado naman ang mga nagrespondeng bumbero na hirap silang pasukin ang looban dahil sa sobrang kitid ng eskinitang papasok sa looban kaya nagbutas sila ng pader upang maapula ang apoy.
Idineklara ng BFP na under control ang sunog dakong alas-4:24 bago tuluyang naapula ng alas-4:59 ng madaling araw habang inaalam pa ang halaga ng mga ari-ariang natupok ng apoy.
Inamin umano ng nakatira sa pinagmulan ng sunog na wala silang kuntador at jumper lang ang gamit nila para magkaroon ng supply ng kuryente kaya dito nakatuon ang arson investigator sa posibleng pinagmulan ng apoy.
Dalawa naman ang napaulat na sugatan, kabilang ang fire volunteer na si Xander Babiano na natusok ng pako sa kanang paa at residenteng si Patrick Calvo na nagtamo ng malalim na gasgas sa kaliwang tuhod,
Kaagad namang iniutos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang pagpapadala ng mainit na pagkain at mga pangunahing pangangailangan ng mga apekdatong pamilya na pansamanta munang nanunuluyan sa evacuation center ng Brgy. Maysilo at Brgy. Santolan. (Richard Mesa)