• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para makarating kay PBBM ang open letter ni Mary Jane… Malakanyang, pinayuhan ang kampo ni Mary Jane Veloso

SINABI ng Malakanyang na mas maganda na personal na maipaabot ng kampo ni Mary Jane Veloso, ang pinay na nahatulan sa ibang bansa ng kasong drug trafficking ang kanyang open letter kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Mas maganda po sana na itong open letter niya ay personal or maipaabot ito mismo sa Pangulo para magkaroon po ng tamang pagdedesisyon patungkol po dito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ulat, hiniling ni Mary Jane Veloso sa gobyerno ng Pilipinas na pagkalooban siya ng kalayaan upang maalagaan ang kanyang matatandang magulang at mga anak matapos ang 16 na taong pagkakawalay.
Sa kanyang liham na inilabas ng Migrante International, sinabi ni Veloso na wala na siyang ibang hiling kundi makapiling muli ang kanyang pamilya at iparamdam sa kanyang mga anak ang pagmamahal ng isang ina.
Ipinahayag din niya ang hirap ng kanyang mga magulang na bumibiyahe mula Nueva Ecija ng 8 hanggang 10 oras para lamang bisitahin siya, kasama na ang gastos sa pamasahe at pagkain.
Iginiit din ni Veloso na makalipas ang isang taon mula ng malipat siya dito sa Pilipinas, nananatili pa rin siyang nakakulong kahit wala siyang nagawang kasalanan maging sa ating bansa.
Bagama’t nagpapasalamat si Veloso sa lahat ng sumusuporta sa kanya para makalaya na siya, at dalangin na pagpalain sila ng Diyos sa kanilang kabutihan. Umapela rin si Veloso ng patuloy na suporta para ikampaniya ang kaniyang paglaya.
Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, matapos siyang ilipat mula Indonesia patungo sa Pilipinas.
Nagtagal siya ng 15 taon sa kulungan, at ang dating sentensiyang kamatayan ay pinalitan noong 2015 dahil sa apela ng gobyerno ng Pilipinas. (Daris Jose)