• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nananatili ang posisyon sa inihahaing impeachment complaint laban kay VP Sara

MULING INULIT ng Malakanyang ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa usapin ng mga impeachment complaint na inihahain laban kay Vice President Sara Duterte.
“Muli, ang sabi naman po ng Pangulo, kung ano po ang dapat aralin, proseso po ang dapat na manaig, rule of law,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
At kung mayroon aniyang dapat na managot ay dapat lang na managot.
Tugon ito ng Malakanyang sa napaulat na pinangunahan ng grupo ng kaparian, mga madre at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagsasampa ng ikatlong impeachment complaint laban kay VP Sara, araw ng Lunes, Pebrero 9, 2026.
Si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang nag-endorso ng naturang reklamo na tinatayang may 98 pahina na isinumite sa House Secretary General.
Bitbit ng grupo ang mga reklamong culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, plunder, malversation, bribery, graft at corruption laban kay VP Sara.
Magugunitang, noong Pebrero 2 nang unang inihain ng Makabayan Bloc ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay VP Sara matapos ang one year ban. Nasundan naman ito ng paghahain ng civic society ng ikalawang impeachment complaint sa kapareho ring araw.
Habang noong Biyernes, Pebrero 6 nang kumpirmahin ni House Secretary General Cheloy Garafil na tuluyan niya nang nai-transmit sa Office of the House Speaker ang unang dalawang impeachment case laban kay VP Sara.
Kaugnay nito, nauna nang naglabas ng pahayag si VP Sara at tahasang pinalagan ang mga akusasyong muling ibinabato sa kanya.
“Hindi na ito bago. Matatandaan na ang impeachment laban sa akin ang naging sagot nila sa aking pag-alis sa Gabinete—isang hakbang na isinagawa dahil hindi na maipaliwanag ng Pangulo ang patuloy na pagkalugmok ng bayan sa kahirapan dulot ng kanyang kapabayaan at bisyo,” ani VP Sara.
( Daris Jose)