CALOOCAN LGU, NAG-TURN-OVER NG HOUSING UNITS SA 4PH BENEFICIARIES
- Published on February 10, 2026
- by @peoplesbalita
SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, ang pamamahagi ng mga housing unit sa mahigit 125 indibidwal na binubuo ng unang grupo ng mga rehistradong benepisyaryo sa Barangay 168 Deparo.
Inaasahang mahigit 10,820 residente ng Caloocan ang makikinabang sa Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH).
Ang Expanded 4PH ay nagbibigay ng mura ngunit disente at permanenteng mga pagkakataon sa pabahay sa mga mahihina at marginalized na nasasakupan ng lungsod, lalo na ang matagal nang mga informal settlers.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga ahensyang nakipagtulungan para maging posible ang programa, at binati rin ang kanyang mga nasasakupan para sa kanilang mga bagong tahanan.
“Maraming salamat po sa National Housing Authority (NHA), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund sa inyong pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na mabigyan ng tirahan ang mga kababayan nating lubos na nangangailangan,” pahayag ni Mayor Along.
“Sa ating mga benepisyaryo, sana ay magkaroon kayo ng bagong pag-asa kasabay ng mga bagong tahanan na tutuluyan ninyo, at sana ay alagaan ninyo ito nang mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon ng inyong pamilya,” dagdag niya.
Ang pamamahagi ng mga bagong housing unit ay ipagpapatuloy sa ilalim ng koordinasyon ng HARO, dahil higit sa 60 units ang inaasahang ilalaan sa mahigit 200 benepisyaryo sa mga susunod na linggo. (Richard Mesa)