18-anyos na dalaga, 1 pa tiklo sa P435K droga sa Caloocan
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
UMABOT sa mahigit P.4 milyong halaga ng droga ang nasamsam sa dalawang drug suspects kabilang ang 18-anyos na dalagang itinuturing bilang High Value Individual (HVI) nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City, Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, positibo ang natanggap na impormasyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa umano’y illegal drug trade ng suspek na si alyas “Lyn”.
Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police ang buy bust operation laban kay alyas Lyn, sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi na nakapalag ang suspek nang posasan ng mga operatiba ng SDEU, kasama ang kasabwat nitong 20-anyos na kelot makaraang bintahan umano ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay 188.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 64 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P435,000, buy-bust money, at cash na pinaniniwalaang kinita sa droga.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor Office sa pamamagitan ng Inquest proceedings.
Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binigyang-diin ang pangako ng NPD sa pagpapatuloy ng mga agresibong anti-drug operations para protektahan ang mga komunidad at pigilan ang ilegal na droga sa pagsira sa mga kabataan at pamilya.
(Richard Mesa)