• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

TAIWANESE FUGUTIVE ARESTADO SA PASAY

INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang Taiwanese fugitive sa isinagawang enforcement operation sa Pasay City bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga lumalabag sa batas ng imigrasyon at mga dayuhang pugante.

Sa unang operasyon, inaresto ng mga ahente ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang National Bureau of Investigation–Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD), si Chien Wen-Chieh, 33, isang Taiwanese national, sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Pasay City noong gabi ng Enero 28.

Naaresto si Chien alinsunod sa isang wastong mission order matapos ang opisyal na komunikasyon mula sa mga awtoridad ng Taiwan na kumilala sa kanya bilang isang pugante mula sa katarungan.

Batay sa mga rekord, si Chien ay may warrant of arrest na inilabas noong Agosto 31, 2023 ng Taiwan Miaoli District Prosecutor’s Office kaugnay ng kasong pagnanakaw.

Ipinakita ng beripikasyon sa database ng BI na huling pumasok si Chien sa Pilipinas noong 2023 bilang isang temporary visitor subalit nabigong magpa-extend o magpa-convert ng kanyang visa, dahilan upang siya ay maituring na isang overstaying at undesirable alien.

Ayon sa BI, ang patuloy na pananatili ni Chien sa bansa ay nagdudulot ng banta sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

Si Chien ay kasalukuyang nakapiit sa Bureau of Immigration Warden Facility habang isinasagawa ang mga kaukulang deportation proceedings laban sa kanya. (Gene Adsuara)