• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

CHINESE NATIONAL, INARESTO NG BI SA ZAMBOANGA CITY AT KALINGA

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang ilang Chinese national sa tatlong magkakahiwalay na enforcement operations na isinagawa sa Zamboanga City at Tabuk City, Kalinga dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.

Sa Zamboanga City, inaresto ng BI intelligence operatives si Rongtian Shi, 40, isang Chinese national, sa isang operasyon noong Pebrero 2 sa isang tindahan ng cellphone at accessories na matatagpuan sa Maria Clara Street, Barangay Zone 3.

Nadatnan si Shi na aktibong namamahala ng negosyo at nakikipagtransaksiyon sa mga kostumer sa oras ng kanyang pagkakaaresto.

Ayon sa BI, lumitaw ang mga iregularidad sa rekord ni Shi sapagkat ang kanyang working visa ay inihain ng isang kompanyang nakabase sa Quezon City. Ayon sa BI, ito ay paglabag sa umiiral na mga batas sa imigrasyon ng bansa.

Samantala, sa kaparehong araw sa Tabuk City, Kalinga, inaresto ng mga operatiba ng BI si Huang Xilai, 57, sa loob ng isang komersiyal na establisimyento sa Barangay Dagupan Centro.

Bago ang kanyang pagkakaaresto, naobserbahan si Huang na personal na namamahala ng operasyon ng tindahan, nagbibigay ng mga tagubilin sa mga Pilipinong empleyado, at gumaganap bilang kahera. Ipinakita ng mga rekord na siya ay overstaying at sangkot sa gainful employment nang walang kaukulang visa o permit. Nabigo rin siyang magpakita ng balidong travel documents at tanging digital na kopya lamang ng kanyang pasaporte ang naipresenta.

Sa hiwalay na operasyon noong Pebrero 2 sa Barangay Bulanao, Tabuk City, inaresto rin ng BI ang iba pang Chinese national sa loob ng isa pang komersiyal na establisimyento dahil sa kaparehong mga paglabag, kabilang ang overstaying, pakikibahagi sa gainful occupation nang walang wastong awtorisasyon, pagtatrabaho sa labas ng saklaw ng kanilang visa petition, at pagiging undocumented.

Kinilala ang mga inarestong dayuhan na sina Huang Huifang, 51; Huang Menggui, 24; at Huang Mengjiao, 28.

Lahat ng mga inarestong dayuhan ay dinala sa Maynila para sa booking, medical examination, biometrics processing, at kaukulang dokumentasyon bilang paghahanda sa paunang imbestigasyon at posibleng deportation proceedings.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinapakita ng mga operasyong ito ang patuloy na pagsisikap ng ahensiya na ipatupad ang mga batas sa imigrasyon at sugpuin ang ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan sa bansa.

“Nanatiling matatag ang Bureau of Immigration sa mandato nitong habulin ang mga dayuhang umaabuso sa kanilang pananatili at lumalabag sa mga batas ng Pilipinas,” ani Viado. “Bahagi ang mga enforcement action na ito ng aming tuloy-tuloy na pagsisikap na pangalagaan ang pambansang seguridad at protektahan ang mga trabaho para sa mga Pilipino.” (Gene Adsuara)