PBBM: P549 B health budget para sa mas malakas na serbisyong medikal sa bansa
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes na palalakasin ang healthcare system sa bansa sa pamamagitan ng pagtugon sa kakulangan sa pasilidad, kagamitan at mga medical professionals lalo na sa mga lugar na kulang ang serbisyong pangkalusugan.
“Kaya’t bilang suporta ng pamahalaan, hindi bababa sa P500 bilyong piso ang inilaan nating budget ngayon upang maging mas epektibo ang ating health sector,” wika ng Pangulo sa groundbreaking ceremony ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Allied Health Sciences Building.
Nilahad ng Pangulo ang mga hamon sa serbisyong pangkalusugan gaya ng limitadong access sa medikal na serbisyo, kulang na makabagong teknolohiya at pasilidad sa mga ospital, at kakulangan ng health centers at health workers.
“Hindi na po natin hahayaang magtiis sa sakit ang ating mga kababayan dahil sa kawalan ng pantustos sa pagpapa-gamot. Hindi natin hahayaang nahihirapan ang mga pamilya sa mga probinsya dahil sa layo ng kanilang lalakbayin para makarating sa ospital,” diin ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, mahigit sa P247 ang inilaang pondo sa Department of Health at PhilHealth, higit na P13 bilyon para sa specialty hospitals, at halos P9 bilyon para ospital ng Department of National Defense at Philippine National Police habang P98 billion naman sa health programs ng LGUs.
Halos P1 bilyon naman ang inilaan para sa medical scholarships at tuition subsidies sa mga estudyante ng SUCs, at halos P1.4 bilyon para sa medical assistance at zero balance billing sa Philippine General Hospital (PGH).
“Lahat ng ito ay inaasahang magpapabuti ng serbisyong medikal at magpapalakas ng ating health sector,” ayon kay Pangulong Marcos, na nanawagan sa publiko na samantalahin ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Samantala, nagbigay din ang Pangulo ng P15 milyon na tulong para sa Baseco Hospital upang mapabuti ang pasilidad at serbisyo nito.
Bumisita rin siya sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng pasyenteng nakinabang sa PhilHealth’s Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) noong Setyembre.
“Sa puntong ito, nananawagan ako sa ating mga kababayan: Samantalahin ninyo ang mga programang ito upang mapangalagaan ang inyong mga sarili. Bukas po ang mga serbisyong ito para sa lahat—lalo na sa higit na nangangailangan,” wika ng Pangulo.
( Daris Jose)