• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nabigong impeachment complaint, isang ‘distractions, political move’ lamang- PBBM

ISANG “distractions” at isang “political move” lamang ang impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya hindi ito naging matagumpay.
Ito ang paglalarawan ng Pangulo sa isang ambush interview sabay sabing kapos sa basehan ang nasabing impeachment complaints kaya’t hindi na ito umusad.

“These things are distractions from the things that we are doing,” ayon sa Pangulo nang hingan ng reaksyon sa naging desisyon ng House Committee on Justice na ibasura ang dalawang impeachment complaints laban sa kanya (Pangulo).
Inamin ng Pangulo na hindi siya masyadong nag-aalala dahil nakita niya ang impeachment complaint laban sa kanya na walang ‘real grounds’ para sa impeachment.
“Although I wasn’t very worried because I saw the impeachment complaint and I knew that I will be all right in terms of the impeachment kasi wala naman, there were no real grounds for the impeachment. It was a political move, as usual,” aniya pa rin.
Kamakailan ay binasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos dahil sa “insufficient in substance” o kakulangan ng basehan para ipagpatuloy ang pagtalakay sa usapin.
Sa botohan sa unang impeachment complaint na inihain ng abogadong si Andre de Jesus, 42 kongresista ang bumoto na ibasura ito, isa ang tumutol, at isa ang hindi bumoto.
Samantala, sa ikalawang reklamo na inihain ng Makabayan coalition, pinagbotohan ito na ideklarang sapat sa sustansiya pero 39 na kongresista ang tumutol, at pito lang ang pumabor.
Nagsasaad sa dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Marcos na:
Sa reklamong inihain ni De Jesus, inaakusahan niya si Marcos ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Konstitusyon, bukod sa iba pa, dahil sa umano’y pag-utos at pagpapahintulot sa pagdukot at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC); kasama rin ang paratang na gumagamit ang pangulo ng ilegal na droga na nakaaapekto sa kaniyang pamumuno sa bansa; at sa kabiguang i-veto ang mga unprogrammed appropriations at iba pang probinsiyon na labag sa Konstitusyon sa pambansang budget para sa 2023, 2024, 2025, at 2026, at iba pa.
Sa reklamong inihain ng Makabayan bloc, nakasaad naman na nagkasala ang pangulo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa pagpapatupad ng Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula sa paglalaan ng mga proyektong pang-imprastraktura na umano’y nagresulta sa mga “ghost,” substandard, at over priced na flood management projects, at iba pa.
“Of course, I’m glad that impeachment complaints against me have been finished. And as the statement that we made earlier. I’m happy and we can get on with our work,” ang sinabi naman ni Pangulong Marcos.
( Daris Jose)