• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 kelot, kalaboso sa panunutok ng baril sa Navotas, Valenzuela

KALABOSO ang dalawang kelot nang tutukan ng baril ang dalawang biktima kabilang ang isang bebot sa magkahiwalay na lugar sa mga Lungsod Valenzuela at Navotas.
Sa nakalap na impormasyon sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, unang naaresto ng pulisya si alyas “Boy”, 33, Martes ng gabi sa Brgy. Marulas, Valenzuela nang humingi ng tulong ang isang lalaking binagbantaang babarilin kapag hindi nagsalita sa hinihingi niyang impormasyon hinggil sa isang kaalitan.

Nakumpiska ng pulisya kay alyas Boy ang isang improvised shotgun na kargado ng 12-gauge na bala na nakasukbit pa sa kanyang baywang.

Sumunod namang nadakip ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang 24-anyos na si alyas “Maroy” nang matiyempuhan ng pulisya na hinoholdap ang isang bebot na biktima habang armado ng paltik na baril na kargado ng bala sa Brgy. NBBS Proper sa Navotas City.

Ayon kay BGen. Dela Cruz, isasailalim sa ballistic examination ang mga nakumpiskang improvised na baril sa dalawa upang alamin kung nagamit ang mga ito sa ibang krimen.

Kapwa mahaharap ang mga suspek sa mga kasong Grave Threats at of R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Richard Mesa)