PBBM, no reaction sa 2 impeachment complaint ni VP Sara na nasa Office of the House Speaker na
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
“I HAVE no reaction.”
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang hingan ng reaksyon kaugnay sa ulat na naisumite na ni House Secretary General Cheloy Garafil sa Office of the House Speaker ang dalawang impeachment complaints ni Vice President Sara Duterte.
Ang katwiran ng Pangulo “Hindi ko trabaho ‘yan, trabaho ng House. Pabayaan mo sila magtrabaho. I’m sure they will handle it properly.”
“Let them do their jobs,” aniya pa rin.
Nauna rito, kinumpirma ni House Secretary General Cheloy Garafil na nai-transmit na sa Office of the Speaker ang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Garafil na ipinadala ito sa opisina ni Speaker Bojie Dy, araw ng Huwebes, alinsunod sa Konstitusyon at rules ng Kamara.
Ginawa aniya ang hakbang matapos matanggap at maberipika ang mga dokumento na isinumite ng complainants at endorsers.
Binigyang-diin din ni Garafil na ito ay ministerial duty ng kanyang opisina at ginagabayan ng Saligang Batas, House rules at matagal nang protocol.
Ang unang impeachment case laban kay Duterte ay isinampa ng Makabayan Coalition kabilang na si dating Congresswoman France Castro na inendorso ng Makabayan lawmakers.
Ang ikalawang complaint na inihain ng Tindig Pilipinas at ilang religious groups ay may endorsement naman nina Akbayan Representative Perci Cendaña at Mamamayang Liberal Representative Leila De Lima. ( Daris Jose)