Imbes na maganap ang umaatikabong romansahan… KIRAY, tinulugan lang ang unang gabi nila ni STEPHAN
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
AMINADO si Kiray Celis na noong honeymoon nila ng mister na si Stephan Estopia, imbes na umaatikabong romansahan ang kanilang naging eksena, natulog lang daw sila.
Ikinasal sina Kiray at Stephan noong December 2025 at dahil sa sobrang puyat at pagod, natulog lang sila sa halip na pinagsaluhan ang tamis ng pulot-gata.
Natatawang sabi ni Kiray, “Noong kasal namin, nakakaloka! Ikukuwento ko, sa first day, 6 am ako nagising, tapos ay may after party kami at natapos iyon ng 5:30 am. So parang pa-twenty four hours na akong gising. So, sa pagtulog namin, sa first night namin, tulog talaga!
“Kaya shout-out po sa lahat ng mag-asawa po na ikinakasal, na nagagawa po ang making love sa unang gabi, sobrang idol ko po kayo. Kasi kami as in talikuran talaga, talagang sobrang pagod, as in OA.
“So eto na, the second day, siyempre parang trinay (try) na namin, ayon, nagbilang naman kami ng pera (na mga regalo),” nakangiting sambit pa ni Kiray.
Sa Thanksgiving event ng Kiray’s Brands bilang unang anibersaryo nito noong Pebrero 1, 2026 sa The Atrium, Enderun, McKinley, Taguig, ibinisto rin ni Kiray na kinukulit na siya ng mister na si Stephan para magka-baby na sila.
Aniya, “Excited siya to have a baby. Siya po ay may plano, alam nyo ba na may application siya tuwing mens ko? Updated siya, binabantayan niya. Daig pa niya ako, ‘no? Siya talaga yung excited.
“Talagang noon pa man, kinukulit na niya ako bago ikasal, sabi niya, ‘Baka naman puwede na?’ Sabi ko, ‘Hintayin mo malapit nang ikasal, ilang araw na lang, e.”
Plano raw nila ay magkaroon ng pitong anak.
“Seven ang balak naming anak. Kasi apat kaming magkakapatid, tapos noong nabigyan ko ng bahay ang family ko. Kasi pangarap ko na sari-sarili kaming kuwarto, pero ang lungkot pala, parang hindi ko na nakikita mga kapatid ko. So sabi ko, dadamihan ko, so seven.
“Iyon ang plano ko, pero mag-thirty-two na po ako this year… kaya talagang excited na ang asawa ko. Pero sana kayanin ko pa ang seven.
“Kung naging aso siguro ako, sayang, o kung naging baboy siguro ako, hahahaha!” Nakatawang bulalas pa ni Kiray.
Si Kiray ang CEO at ang kanyang asawang si Stephan, ang COO ng Kiray’s Brands, respectively.
Ang nasabing selebrasyon ay handog bilang pasasalamat sa mga affiliate, depot partners, core team, at mahahalagang katuwang ng kompanya na may malaking ambag sa patuloy na paglago at tagumpay ng Kiray’s Brands at sa lumalawak nitong portfolio.
Dito’y pormal ding kinilala ng Superbrands Philippines ang lahat ng produkto ng Kiray’s Brands. Ang naturang organisasyon ay isang rehistradong institusyon na nagbibigay-parangal sa mga brand na kilala sa tuloy-tuloy na kalidad, kredibilidad, at layuning nakatuon sa kahusayan.
(NONIE V. NICASIO)