Kasal nila ni Jerald sa Marso, ililihim muna kung saan… Dream wedding gown ni KIM, gawa ng sikat na fashion designer na si MAK
- Published on February 5, 2026
- by @peoplesbalita
SA mediacon ng upcoming movie ng Viva Films na ‘Wonderful Nightmare’, natanong si Kim Molina tungkol sa nalalapit na kasal nila Jerald Napoles sa Marso.
Kuwento ng actress/comedienne, “next month na po, sa March at hindi po sa Manila gagawin, pero dito pa rin sa bansa natin.”
Singit ni Jerald, “yun lang kaya ng budget namin.”
Pagbabahagi pa ni Kim sa magaganap na wedding…
“Nag-decide kami ni Je na,..kasi honestly, yun proposal niya, nagulat ako na mas nauna pang nalaman ng mga tao, bago ko siya mai-post.
” So, I think sa wedding na ito, sa amin na muna. Of course, isi-share din namin on that day of our wedding.”
Ayon pa kay Kim, ang kanyang dream wedding gown ay gagawin ni Mak Tumang, ang sikat fashion designer na lumikha ng mga gowns nina Catriona Gray at Athisa Manalo.
Samantala, ang pelikulang pinagbibidahan nina Kim at Herald ay adaptation ng 2015 Korean blockbuster hit na may same title. Mula sa direksyon ni RC Delos Reyes.
Kuwento ito ng isang career woman na mapupunta sa katauhan ng isang housewife matapos maaksidente.
Si Atty. Ma. Luisa Lui Manuel (Molina) ay kilala bilang matinik na abogado na may malalaking kaso. Hindi ito nagpapakita ng emosyon kaya naman walang puso ang tingin sa kanya, pero sa katunayan, umiiwas lang ito na masaktan.
Bata pa lang ay naulila na si Lui, at dahil sa sunud-sunod na masamang pangyayari, pinangako niya sa sarili na hindi maghihirap at hindi mangangailangan sa lalaki at pag-ibig.
Ang kalkuladong buhay ni Lui ay biglang matatapos nang mabangga ang kanyang sasakyan. Magigising siya sa langit pero muling pababalikin sa lupa dahil hindi pa ito ang tamang oras ng kanyang kamatayan. Kailangan niyang mabuhay sa katawan ng isang babae sa loob ng isang buwan.
Sa muling paggising ni Lui, isa na siyang asawa ng isang simpleng empleyado na si Julian (Napoles) at ina ng isang teenager na babae na si Jaja (Althea Ruedas) at ng anim na taong gulang na si Justin (Archilles Wenceslao). Nakatira sila sa munting apartment.
Hindi makapaniwala si Lui na kailangan niyang alagaan ang kanyang temporaryong pamilya gamit ang maliit na sweldo ni Julian.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unting matututo na tanggapin ni Lui ang buhay niya bilang isang ina at asawa. Natutuwa naman si Lui sa pagiging mapagmahal na asawa at ama ni Julian kahit may pagka-corny ito. Ang bunsong anak na si Justin ay mabait at sweet rin, pero si Jaja ay may pagka-rebelde.
Sa bagong buhay na ito, magkakaroon rin si Lui ng mga bagong kaibigan: ang raketerang si Olga (Yumi Lacsamana), ang nagbebenta ng leche flan na si Sansan (Quinn Carillo), at ang pinaka-logical sa kanilang lahat na si Daisy (Divine Aucina).
Sa takbo ng kwento, alamin kung kailan at paano maiiba ang pananaw ni Lui sa kanyang bagong buhay. Kung noon ay hindi niya pinangarap na magkaroon ng pamilya at makaranas ng pagmamahal at kaligayahan, ngayon ay isang bangungot na ang iwan ang pamilyang ito.
Pero isang buwan lang ang dapat niyang itagal at hindi maiiwasang magigising siya sa pinaka-magandang bagay na kanyang naranasan.
Kasama rin sa movie sina Al Tantay bilang hepe ng Heavens intermediary, Candy Pangilinan bilang reklamador at masungit na kapitbahay ni Lui, Krissha Viaje bilang kapwa abogado ni Lui, Jaycee Parker bilang nanay ni Lui, at marami pang iba.
Ipalalabas sa mga sinehan ang ‘Wonderful Nightmare’ sa February 25, 2026.
(ROHN ROMULO)