• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak, swak sa selda sa Valenzuela

HINDI inakala 52-anyos na mister na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga na pulis na ang kanyang napagbinyahan ng shabu nang maaresto siyang buy bust operation sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas “Chong”, ng Brgy., Malinta nang sunggaban ng mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police Station.

Ayon kay Lt. Dascil, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng iligal na droga sa kanilang lugar at sa kalapit na mga barangay sa lungsod.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa kanyang mga tauhan, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Chong’ sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-8:00 umaga nang makipagtransaksyon umano si ‘Chong’ sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 14-pirasong P500 boodle money, P300 cash at coin purse.

Ayon kay SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampang kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga. (Richard Mesa)

NEWS 5
Bebot na wanted sa Carnapping, nalambat sa Navotas

BINITBIT sa selda ang isang bebot na wanted sa kaso ng Carnapping sa Lungsod ng Malabon nang malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Navotas City.

Sa ulat ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa Navotas ang 22-anyos na akusado.

Ang akusado ay kabilang umano sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Malabon City Police Station dahil sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.

Naglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 289, Malabon City, nitong January 27, 2026, para sa naturang kaso na walang inirekomendang piyansa.

Sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Navotas CPS ay matagumpay na naaresto ang akusado sa Barangay Tangos South, dakong alas-6:20 ng gabi.

Nakakulong ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (Richard Mesa)