FRASCO SA PUNA NI TULFO: ‘I’M VERY VISIBLE BECAUSE I’M SIMPLY WORKING’
- Published on February 5, 2026
- by @peoplesbalita
ITO ang naging matapang na tugon ni Tourism Secretary Christina Frasco nitong Miyerkules, Pebrero 4, 2026, matapos kuwestyunin sa Senado ang tila “over-visibility” ng kanyang imahe sa mga promotional materials ng Department of Tourism (DOT).
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, iginiit ni Frasco na walang basehan ang mga akusasyon ng self-promotion at nilinaw nito na ang kanyang aktibong presensya sa publiko ay hindi paghahanda para sa susunod na eleksyon.
“There’s no reason for me to promote myself because I’m not running for any national position,” pahayag ng kalihim, sabay diin na nakatuon lamang siya sa pagtupad ng kanyang tungkulin sa kagawaran.
Ang isyu ay nag-ugat sa mga puna ni Senator Tulfo sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Tourism na pinamunuan ng naturang senador, hinggil sa mga nakitang tarpaulin at magazine cover sa ibang bansa, partikular sa Japan, kung saan mas prominente umano ang mukha ng kalihim kaysa sa mga tourist destinations ng Pilipinas.
Inihalintulad pa ni Tulfo ang istilo ng mga materyales sa pagiging “vlogger.”
Bilang tugon sa kontrobersya at upang matiyak na ang atensyon ay mananatili sa kagandahan ng bansa, iniutos na ni Frasco sa lahat ng regional offices ng DOT ang pagtanggal sa anumang promotional material na nagtatampok sa kanyang imahe.
Ipinag-utos din niya na huwag nang gumawa pa ng mga bagong materyales na may kanyang mukha.
Nanawagan din ang kalihim sa mga Local Government Units (LGUs) na iwasan ang paglalagay ng kanyang litrato sa mga welcome tarpaulins o tourism ads.
Ayon kay Frasco, kahit hindi niya iniutos ang paglalagay ng mga ito, nais niyang ituon ang lahat ng resources ng DOT sa mga “high-impact national projects” kaysa sa mga isyung itinuturing niyang “distraction” lamang sa paglago ng turismo.
( FRANZ ANGELES)