• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Walang nilabag na protocol sa pagpili ng ASEAN venues—Malakanyang

WALANG nilabag na protocol sa pagpili ng venue para sa gagawing pagho-host ng PIlipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-related events.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sabay sabing “no breach of protocol” kung ang pag-uusapan ay venue—ang hotel-casino ay ginamit aniya para sa international summit, at hindi sa pagsusugal.
Kasunod ito sa alalahanin mula sa mga observers, na nagsabing ang kamakailan lamang na nagtapos na ASEAN Ministers’ Meeting sa Cebu na idinaos sa hotel-casino ay kinkonsiderang hindi akma para sa Muslim delegates.
At nang tanungin kung paano iwawasto ng gobyerno ang pagpili, sinabi ni Castro na “there is nothing to resolve over the venue selection.”
“Unang-una po, there’s nothing to rectify dahil kung ito naman po ay hotel casino at ang nature ng event ay gagamitin po ito para sa isang international event like summit, hindi po para magsugal, wala naman pong nilalabag na protocol ang bansang Pilipinas,” ang sinabi ni Castro.
“So, iba po kasi ang usapan kung pupunta doon para magsugal. Pero kapag ang hotel although may kasamang casino pero ang purpose po ay um-attend ng isang event, hindi po naman …wala pong nilalabag na anumang protocol ang Office of the President or ang administrasyon na ito,” aniya pa rin.
Nagbigay naman ng katiyakan si Castro na ang procurement process para sa pagho-host ng Pilipinas ngayong taon para sa ASEAN events ay mahigpit na tinutukan at sinuri.
“Patungkol po naman sa sinasabi nating procurement, ang proseso po na ito ay mahigpit po na tinututukan at kasama na rin po ang evaluation of cost at ang nature ng event,” ang winika ni Castro.
“Pero ang katulad po nitong event ay masasabi po nating high-profile international events na karamihan po ay nagka-qualify po for exemptions from standard open competitive bidding, allowing for alternative procurement methods katulad ng negotiated procurement at direct contracting,” aniya pa rin. (Daris Jose)