• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, PBBM ikinatuwa ang “insufficient in substance” na deklarasyon ng House Justice Committee

IKINATUWA ng Malakanyang ang naging deklarasyon ng House Committee on Justice sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “insufficient in substance.”

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, natutuwa sila na nasunod ang proseso.
“Nagpapasalamat po tayo na nakita po ng mga mambabatas kung ano po talaga ang katotohanan, at doon tayo lagi sa katotohanan, nakita po natin wala naman po talagang merito ang mga nasabi pong complaint. At maski na po ang Pangulo ay kumpiyansa na wala siyang ginawang anumang impeachable offense. At maraming salamat po dyan,” ani Castro.
Sa ngayon aniya ay nakatutok ang Pangulo sa pag -angat ng ekonomiya ng bansa kaya sabi aniya ng Pangulo ay “Let’s move forward.”
At sa tanong kung napanood ng Pangulo ang proseso kanina ay sinabi ni Castro na hindi ito napanood ng Pangulo.
“Nasabihan lang po namin kung ano ang naging resulta, dahil po ang Pangulo ay nasa dalawang events po,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ang initial reaction aniya ng Pangulo nang masabihan nila sa development na ito ay “natuwa po siya. Ang sabi nga po niya ay nasunod ang proseso. at yun naman po talaga ang gusto ng Pangulo, masunod ang proseso at makita ang katotohanan.”
“So, sa ating mga kababayan, sana po ay nakita nyo po, at inisa isa naman po ng mga mambabatas ang mga nasabing akusasyon at sana po at napaliwanagan na at naging maliwanag sa kanila,” aniya pa rin.
Nauna rito, tuluyan nang ibinasura ng House of Representatives ang dalawang impeachment complaints na nakabala laban kay Pangulong Marcos.

Samantala, sa panayam ng media kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, tahasan niyang pinuna ang naging desisyon ng justice committee.
“Sabi nila wala raw ebidensya, sabi nila hindi raw impeachable ang mga offense na nasa complaint. Hindi po yun ang tungkulin ng mga kinatawan ng justice committee,” ani Tinio.
Hirit pa niya, “Hindi nila tungkulin na mag-abogado para sa Presidente.”
Noong Enero 19 nang unang ihain ang kauna-unahang impeachment laban kay PBBM sa pangunguna ni Atty. De Jesus.
Habang ang ikalawang impeachment complaint laban kay PBBM ay pormal na naihain noong Enero 22. (Daris Jose)