Bisa ng rehistro ng bagong sasakyan, 5 taon na
- Published on February 5, 2026
- by @peoplesbalita
APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng validity ng mga bagong rehistradong sasakyan mula sa kasalukuyang tatlong taon hanggang limang taon.
Ito ang inanunsiyo ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ayon kay Castro, “initially approved” na ni Marcos ang rekomendasyon matapos na i-prisenta ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez.
Inaasahan aniyang maglalabas ng memorandum ang DOTr kaugnay ng expanded validity ng new motor vehicle registration kasunod ng pag-apruba ng Pangulo.
Sa naturang pulong, inalatag din aniya ni Lopez ang update sa mga programa at proyekto na layong pagaanin ang pagbiyahe ng publiko.
Kabilang aniya dito ang rehabilitasyon ng train facilities ng MRT-3 Quezon Avenue station, pagpapatupad ng cashless payment sa MRT-3, at nakatakdang paglulunsad ng cashless payment system sa LRT-1 at LRT-2, gayundin ang pag-aayos ng iba pang Dalian trains para magamit sa MRT-3.
Pinatitiyak naman ni Pang. Marcos na mananatiling prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga commuters, sa pamamagitan ng malinis na mga pasilidad at maaasahang train system.