3 excise tax vs Discaya ibinasura ng DOJ
- Published on February 4, 2026
- by @peoplesbalita
IBINASURA ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong reklamo sa excise tax na isinampa laban sa mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya at iba pa dahil sa ilang luxury vehicle.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, ang excise tax ay hindi pananagutan ng mag-asawang Discaya dahil ang importer ang responsable sa aspetong ito.
“Nakita po ng panel na hindi po importer sila Sarah at Curlee kaya hindi sila mananagot sa hindi pagbabayad ng excise tax. Ang may pananagutan po na magbayad ng excise tax ay ‘yung nag-import talaga. Kung hindi ninyo binili ang mga kotse,” ani Martinez.
Sangkot sa ibinasurang mga reklamo ang Land Rover/ Range Rover at Cadillac Escalade para sa isang kaso; Land Rover at isang Mercedes Benz para sa pangalawang kaso; at isang Mercedes Benz.
Bahagi ito sa isinasagawang preliminary investigation ng DOJ sa tax evasion complaints laban sa mag-asawang Discaya.
Ang dalawang reklamo naman ay mga kasong isasampa ng DOJ sa Court of Tax Appeals. (Vina de Guzman)