Helper na wanted sa paulit-ulit na panghahalay sa minor sa Malabon, tiklo
- Published on February 4, 2026
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang maliligayang araw ng 31-anyos na manyakis na mister na paulit-ulit na humalay sa isang menor-de-edad na biktima nang matunton ng tumutugis na pulisya sa pinagtaguang lugar sa Malabon City, Lunes ng umaga.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang akusado bilang si alyas “Jonathan”, residente ng Gregory Homes, Brgy. Panghulo.
Sa ulat, naglabas si Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador ng arrest warrant laban kay ‘Jonathan’ nitong Enero 22, 2026 para sa pitong bilang na kasong Qualified Rape of a Minor at dalawang bilang na kasong Acts of Lasciviousness.
Dahil dito, kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ni Col. Umipig na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-9:45 ng umaga sa tinutuluyang lugar sa Sanciangco St. Brgy. Catmon.
Ayon kay Col. Umipig, walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa pitong bilang na kasong qualified rape laban sa akusado habang may inilaang kabuuang piyansang P216,000.00 sa dalawang bilang na kasong acts of lasciviousness para sa pansamantalang paglaya.
Nakadetine sa custodial facility ng Malabon Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.
Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado na binigyang-diin nito ang pangako ng NPD para sa pagbibigay ng hustisya sa biktima.
(Richard Mesa)