• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nababahala sa posibleng epekto sa ekonomiya ng impeachment complaint laban sa kanya

NABABAHALA si Pangulong Marcos sa posibleng epekto sa ekonomiya ng bansa ang impeachment complaint na inihain laban sa kanya.
”Una ko na pong sinabi, ang pagsasampa po ng impeachment complaint laban po sa Pangulo, hindi Pangulo lamang ang maapektuhan nito, kung hindi ang buong bansa at pati ekonomiya,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”So nababahala po ang Pangulo sa impeachment complaint na isinampa sa kanya, hindi para sa sarili niya, dahil alam niya na walang siyang ginawang mali at walang impeachable offenses siyang nagawa. Pero nag-aalala siya sa epekto nito sa ekonomiya,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, hindi naman aniya patitinag ang Pangulo na gampanan ang kanyang presidential duties sa gitna ng impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.
Nauna rito, iginagalang ng Malakanyang ang naging pasya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y makaraang ideklarang ‘sufficient in form’ ang dalawang impeachment complaint sa pag-arangkada ng pagdinig ng House Committee on Justice, araw ng Lunes.
“So, thats the process. we have to respect that,” ayon Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
At sa tanong naman kung kumpiyansa ang Malakanyang na hindi naman lulusot at mapagpapasyahan na ‘sufficient in substance’ ang nasabing dalawang impeachment complaint laban sa Pangulo, ang naging tugon ni Castro ay “even before, sinabi na po ng Pangulo na alam niya na wala siyang ginawa na mali, wala siyang ginawang paglabag sa batas, at wala siyang ginawang impeachable offense kaya kumpiyansa siya sa sarili niya.” (Daris Jose)