• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SENIOR CITIZENS PARTYLIST CONG. RODOLFO ORDANES, IPINAGTANGGOL ANG SENIOR SA PANANAKIT NI CONG. GOMEZ SA 33rd SOUTHEAST ASIAN GAMES

PINUNA at inalmahan ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong”Ordanes ang naging aksyon ni Leyte Rep. Richard Gomez sa isang nakatatandang opisyal matapos magkaroon ng pisikalan sa nagdaang 33rd Southeast Asian Games nitong Disyembre 2025.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Rep. Ordanes na hindi naayon ang ginawa ni Rep. Gomez na isa pa namang mambabatas na dapat magsilbing modelo sa delegasyon.

Aniya, hindi angkop na gawan ng physical at verbal abuse na si Rene Gacuma, president ng Philippine Fencing Association (PFA) kung saan nakuhanan ito sa isang CCTV na halos batukan at kumprontahin ni Rep. Gomez ang kaawa-awang matandang opisyal.

Ipinaliwanag ni Rep. Ordanes na sa kasalukuyang kondisyon ni Gacuma na isa ng senior citizen na nagdaan pa sa quadruple bypass, may pacemaker ay nalagay sa balad ng alanganin ang kanyang buhay makaraang tumaas ang presyon nito matapos ang insidente.

Binigyang diin pa ni Cong. Ordanes na nagkaroon ng trauma si Gacuma bunsod ng naganap na pisikalan at komprontasyon na aniya hindi na sana pinaabot ni Gomez.

Sinabi pa ni Cong. Ordanes na sanay kinausap na lamang ni Gomez si Gacuma kung anuman ang hindi pagkakasundo sa mga desisyon o idinaan na lamang sana nito sa legal.

Giit pa ni Ordanes na may dignidad at nirerespeto dapat ang naturang senior official at hindi tinatrato ito o inaabuso pisikal man o sa pananalita.

Nabatid mula kay Gacuma na aprubado ng buong Board ang kanyang ginawang desisyon na taliwas sa sinasabi ni Gomez na pabigla bigla at may pinapaborang player ang nabanggit na opisyal.

Matatandaang nag ugat ang di pagkakaunawaan sa pagitan nina Gomez at Gacuma noong Disyembre 16, 2025 makaraang mapalitan ang national athlete na si Alexa Larrazabal na pambato sana sa fencing sa gitna ng pagdaraos ng 33rd Southeast Asian Games na ginanap sa Fashion Island, Thailand kung saan nag viral online ang pananakit ni Gomez sa naturang opisyal. (PAUL JOHN REYES)