Sa pagdeklara na “sufficient in form” ang dalawang impeachment complaints laban kay PBBM, iginagalang ng Malakanyang
- Published on February 3, 2026
- by @peoplesbalita
IGINAGALANG ng Malakanyang ang naging pasya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y makaraang ideklarang ‘sufficient in form’ ang dalawang impeachment complaints sa pag-arangkada ng pagdinig ng House Committee on Justice, araw ng Lunes.
“So, that’s the process. We have to respect that,” ayon Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
At sa tanong naman kung kumpiyansa ang Malakanyang na hindi naman lulusot at mapagpapasyahan na ‘sufficient in substance’ ang nasabing dalawang impeachment complaints laban sa Pangulo, ang naging tugon ni Castro ay “even before, sinabi na po ng Pangulo na alam niya na wala siyang ginawa na mali, wala siyang ginawang paglabag sa batas, at wala siyang ginawang impeachable offense kaya kumpiyansa siya sa sarili niya.”
Sinabi ni Castro na nababahala si Pangulong Marcos sa posibleng epekto ng impeachment proceedings sa ekonomiya ng bansa.
Kasunod ito ng babala ng isang mambabatas na maaaring magsilbing senyales ng political instability sa international community ang mga hakbang na ito.
Kasabay ng pag-usad ng impeachment laban sa Pangulo, inihain din ngayong araw ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang diin ng Malakanyang na wala silang kinalaman sa paghahain ng mga reklamo at ipinauubaya na lamang nila sa Kongreso ang magiging kahihinatnan ng impeachment proceedings. (Daris Jose)