House justice panel pinagtibay ang ‘sufficiency in form’ ng 2 impeachment complaints kay PBBM
- Published on February 3, 2026
- by @peoplesbalita
IDINEKLARANG ‘sufficient in form’ ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang dalawang impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa botong 46 pabor, isang no at isang abstain para sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre de Jesus na inendorso naman ni Pusong Pinoy Partylist Rep. Jernie Nisay.
Habang nakakuha naman ng 35 pabor, 9 ang tutol at 1 abstain ang ikalawang impeachment complaints nina dating Rep. Liza Maza na inendorso naman nina Reps. Antonio Tinio (ACT Teachers), Sarah Elago (Gabriela) at Renee Co (Kabataan Partylist).
Paliwanag ni Luistro, hindi sapat na may binabanggit na mga pagkakamali,kailangang matukoy ito at maituturing na impeachable offense at sapat upang maging ground of impeachment.
Matapos ang talakayan, muling boboto ang mga miyembro ng komite upang pasyahan kung ang mga reklamong De Jesus at Maza et al. ay pumapasa sa parehong pamantayan ng anyo at nilalaman.
Binigyang-diin din ni Luistro na ang kasalukuyang yugto ay bahagi lamang ng mga paunang hakbang ng impeachment process. Sa ngayon, limitado ang pagsusuri ng komite sa mga nakasulat sa reklamo at hindi pa tumatanggap ng ebidensiya.
Kapwa tinutulan ni Manila Rep. Benny Abante ang nasabing reklamo habang nag-NO sa ikalawang reklamo sina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Davao Rep. Boboy aquino at Zambales Rep. Jefferson Khonghun.
Ngayong Martes ay tatalakayin naman ang usapin ng sufficiency in substance ng dalawang complaint.
(Vina de Guzman)