• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Paglawak ng PhilHealth benefits para sa middle class iniutos

MAAARING makatanggap nang pinalawak na benepisyo sa kalusugan ang mga middle-income Filipino na direktang nagbabayad ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), habang pinag-aaralan ng ahensya ang mga bagong programa sa ilalim ng paggabay ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na layon ng mga panukala na mapabuti ang serbisyo para sa mga miyembrong direktang nagbabayad ng premium mula sa sahod o kita sa negosyo, bilang dagdag sa mga umiiral na programa para sa mga sponsored member.
“Sa loob ng maraming taon, ang pokus namin ay ang tinatawag na indirect o sponsored programs, kung saan ang mga benepisyaryo ay hindi nagbabayad ng premium ngunit patuloy na tumatanggap ng benepisyo ng PhilHealth na pinopondohan ng gobyerno,” ayon kay Herbosa sa salitang Ingles.

Dagdag pa niya, “sa bagong programang ito, kailangan nating pagbutihin ang mga serbisyo para sa middle class.”

Sinabi rin ni Herbosa na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangangailangang suportahan ang mga direct contributor. Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang mas maayos na hospitalization.

Ang mga direct contributor ay kinabibilangan ng mga empleyado, self-employed, at mga may negosyo na regular na nagbabayad ng premium.
“Napag-usapan namin [ni Executive Secretary Ralph Recto] ang posibilidad ng mas maayos na accommodations para sa mga direct member. Sa ngayon, pare-pareho ang basic accommodations ng lahat, ngunit maaari nating pag-isipan ang dalawang pasyente kada kuwarto o paglalagay ng air conditioning upang mas mapabuti ang benepisyo para sa mga nagbabayad,” ani Herbosa.

Isa pang panukala ang pagpapalawak ng PhilHealth packages para sa mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing (ZBB) program.

Makatuwiran ito dahil hinihikayat nito ang mga LGU hospital na ipatupad ang ZBB. Pag-aaralan ng aming actuarial team kung kakayanin ito ng PhilHealth. Malaki na ang ibinabayad namin sa mga ospital—umaabot sa P300 bilyon—at maaari pa itong tumaas ngayong taon dahil sa dami ng inilalabas na PhilHealth packages,” dagdag niya.

Matatandaang inanunsyo ni Marcos noong nakaraang taon na ipatutupad ang ZBB sa lahat ng 87 ospital na pinatatakbo ng DOH.