• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

CONG. TIANGCO SA NBI: MAGPADALA NG HIGH LEVEL TEAM SA INTERPOL

NANAWAGAN si Navotas Representative Toby Tiangco sa National Bureau of Investigation (NBI) na agarang magpadala ng mataas na delegasyon sa International Criminal Police Organization (Interpol) Headquarters sa Lyon, France, at i-follow up ang kahilingan nito for red notice para kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.

“Nakakalungkot dahil ang NBI mismo ay aminado na hindi nila alam kung bakit hanggang ngayon wala pa ring sagot ang Interpol sa ating request for red notice para kay Zaldy Co,” pahayag ni Tiangco.

“November 23, 2025 nagpasa ng request ang NBI at usually three to four weeks lang inaabot para makakuha ng sagot mula sa Interpol. Siguro naman it’s time for the NBI to send a high level team to the Interpol headquarters para malaman natin kung bakit hanggang ngayon wala pang sagot sa ating request. Dapat mas maging pursigido at agresibo ang gobyerno,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Tiangco na ang oras ay mahalaga at dapat ubusin ng NBI ang lahat ng paraan para maibalik si Zaldy Co sa bansa.

“Habang walang red notice kay Zaldy Co, mas malaya siyang nakakagalaw at nakakapagplano kung paano tatakasan ang mga kasong sinampa sa kanya,” giit niya.

Dagdag pa ng mambabatas, malaki ang maitutulong ng pagpapalabas ng red notice sa paghihigpit sa mga galaw ni Co at pagsubaybay sa kanyang kinaroroonan.

Aniya, ang red notice ay hindi isang warrant of arrest kundi isang kahilingan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon, na napapailalim sa mga batas ng bawat miyembrong bansa.

“Maging proactive sana tayo. Pag nakita nating hindi na gumagana ang normal na mga tawag at email follow-ups, tayo na ang gumawa ng paraan para makakuha ng sagot sa ating request,” sabi ni Tiangco.

Nahaharap si Co sa mga kasong katiwalian at malversation of public funds kaugnay ng umano’y P289.5-million anomalyang road dike project sa Oriental Mindoro. Nahaharap din siya sa kasong plunder na inihain ng NBI.

Sa latest reports, nilagdaan ni Co ang kanyang petisyon sa Korte Suprema sa harap ng isang notaryo publiko sa munisipalidad ng Nacka sa Stockholm, Sweden noong Enero 15. (Richard Mesa)