Sa mga proyektong pampubliko… Pagbabawal sa ‘epal’ billboard suportado ni Lacson
- Published on February 2, 2026
- by @peoplesbalita
IPINATUPAD ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang direktiba sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-066 na inilabas noong Enero 29, ang pagbabawal sa paglalagay ng pangalan, larawan, imahe, slogan, logo, mga inisyal at iba pang simbolo na maaring iugnay sa sinumang opisyal ng gobyerno sa mga proyekto at karatiula ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng DILG na ang mga programang pinondohan ng gobyerno ay galing sa buwis ng mamamayan at hindi dapat gamitin bilang personal na kasangkapan sa pamumulitika, kung kaya’t inatas din ahensya ang agarang pagtanggal ng mga umiiral na materyales na hindi sumusunod sa patakaran.
Kaugnay nito, nagpahayag si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng kanyang buong pagsuporta sa deriktiba at iginiit na hindi nararapat sa serbisyo publiko ang mga billboard at karatulang naglalaman ng mukha at pangalan ng mga pulitiko, dahil nagiging paraan umano ito ng pag-aangkin ng krideto at maari rin itong magpahiwatig ng katiwalian o labis na paggastos, hindi lamang sa mismong proyekto kundi maging sa mga karatula na pinapaskilan ng mga mukha at pangalan ng pulitiko.
Dagdag pa ng senador, ang pambansang budget ay dapat magsilibi sa interes ng publiko at hindi gamitin bilang kasangkapan para sa pansariling kapakinabangan ng mga nasa kapangyarihan. (Daris Jose)