• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

REP. ERICE, TUTOL SA MUNGKAHI NA MULING ISULONG ANG CHACHA

NAGBIGAY nang matinding pagtutol si Senior Deputy Minority Leader at Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Caloocan na si Congressman Egay Erice sa mungkahi ng ilang mambabatas na muling isulong ang Charter Change (ChaCha), kasunod ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng proseso ng impeachment.

Ayon kay Erice, malinaw at hindi mahirap unawain ang naging pinal na pasya ng Korte Suprema hinggil sa tamang constitutional procedures ng impeachment. Dahil dito, itinuturing niyang walang sapat na batayan ang panukalang ChaCha na iniuugnay sa naturang desisyon.

Tinukoy ni Erice na ang mungkahi ni Senate President Tito Sotto na isulong ang Charter Change dahil sa desisyon ng SC ay “katawa-tawa at kahina-hinala.” Aniya, wala na ring sapat na panahon upang magsagawa ng Constitutional Convention bago ang 2028 national elections.

Dagdag pa ng mambabatas, kung idaraan naman sa Constitutional Assembly (Con-Ass), malaking tanong kung ipagkakatiwala ba ng mamamayan sa mga miyembro ng Kongreso ang pagbubuo ng isang bagong Saligang Batas, lalo na matapos ang sunod-sunod na isyu ng korupsiyon na kinasasangkutan ng national budget insertions at mga anomalya sa imprastraktura.

“Ang ChaCha proposal ni SP Tito Sotto, na idinadahilan ang desisyon ng Korte Suprema sa impeachment issue, ay katawa-tawa at kahina-hinala. Wala nang panahon para sa Constitutional Convention, at kung Con-Ass naman, ipagkakatiwala ba ng bayan ang Saligang Batas sa Kongreso matapos ang mga kontrobersiyang bumalot sa pambansang badyet?” giit ni Erice.

Binigyang-diin din niya na ang panukalang Charter Change ay hindi umano nagmumula sa tunay na hangarin para sa repormang konstitusyonal, kundi mula sa pansariling interes ng ilang pulitiko.

“This proposal smacks of vested interest, not genuine constitutional reform,” pagtatapos ni Erice. (Richard Mesa)