• February 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 drug suspects, isinelda sa Valenzuela

SHOOT sa kulungan ang dalawang drug suspects kabilang ang 61-anyos na garbage collector matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil na ikinasa nila ang buy bust operation kontra kay alyas “Erik”, 26, ng Brgy. Bignay nang positibo ang natanggap nilang ulat hinggil sa pagbebenta umano nito ng shabu.
Nang tanggapin umano ni ‘Erik’ ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil dakong alas-3:45 ng madaling araw sa waiting shed, sa West service road, Brgy. Paso De Blas.
Ani PMSg Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money na isang tunay P500, kasama ang dalawang P500 boodle money, pulang coin purse at P200 cash.
Nauna rito, alas-3:45 ng hapon nang maaktuhan ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki na abala umano sa pagsusugal ng cara y cruz sa harap ng isang abandonadong bahay sa Makipot Bukid, Brgy. Malinta.

Nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Erne”, garbage collector.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa PD 1602 ang kakaharapin ni alyas Erne.
(Richard Mesa)