Kelot, kalaboso sa pagwawala, baril, at pampasabog sa Caloocan
- Published on January 31, 2026
- by @peoplesbalita
IBINALIBAG sa selda ang 47-anyos na kelot nang kalawitin ng pulisya makaraang tumanggi sa paulit-ulit na pakiusap ng awtoridad na kumalma at tigilan ang pagwawala sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng tawag mula sa mga residente ng Brgy. 62, West Grace Park ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station-2 hinggil sa ginagawang pagwawala ang paghahamon ng away ng suspek habang armado ng baril.
Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kung saan naaktuhan nila ang sigang kelot habang patuloy na nanggugulo.
Nang pakiusapan ng mga pulis na kumalma at isuko ang hawak nitong baril dahil nakakabulahaw na at nagdadala ito ng takot sa mga residente ay dinedma lamang umano sila ng suspek.
Dahil dito, napilitang dambahin ng pulisya ang suspek at nang kapkapan, nakuha pa sa kanyang dalang bag ang isang rifle-propelled grenade, bukod sa hawak na kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng mga kasong Alarm and Scandal at Illegal Possession of Firearms and Explosives ang sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)