• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Itigil na ang ingay, maghanap ng endorser para sa impeachment

HINIKAYAT ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang mga kritiko na itigil na ang hindi kinakailangang ingay sa pagtatangkang paghahain ng impeachment laban kay Presidente Bongbong Marcos.

Ang tunay na isyu aniya na kinakaharap ng ilang grupo ay ang kawalan ng endorser mula sa Kamara para sa kanilang reklamo.

Ayon kay Adiong, ang pahayag nina Atty. Ferdie Topacio at dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ay kulang umano ng factual basis, dahil ang isyu ay walang kinalaman sa proseso na hinaharang.

“The problem is straightforward: there is no House member endorser. Without an endorser, the complaint cannot move. That is what the rules clearly provide,” paliwanag ni Adiong.

Naniniwala pa ang mambabatas na walang pumipigil sa kanila at kung gusto talagang umusad ang impeachment complaint ay kailangan nila ng endorser mula sa isang mambabatas.

“This is not about being stopped or blocked. It’s about meeting a basic requirement. The absence of an endorser is the main issue,” dagdag nito.

Binanggit nito ang ginawang paglilinaw ni House Committee on Justice chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, na ang impeachment complaints na inihain ng isang private individuals ay hindi maisusumite o maita-transmit sa Office of the Speaker hanggang hindi iniendorso ng isang miyembro ng Kamara.

“Just like any other bill, it must be sponsored by at least a member of the House. If this is filed by a private individual at walang mag-sponsor, it will not be transmitted to the Office of the Speaker,” paliwanag pa nito.

Sinabi pa ni Luistro na ang impeachment complaints ay maaaring ihain sa pamamagitan ng dalawang paraan, sa pamamagitan ng isang private individual na inindorso ng kongresista o sa pamamagitan ng signature at verification ng one-third ng lahat ng House members.

Kung walang nasunod na isa sa dalawang paraan, hindi papasok sa pormal na proseso ng Kamara ang reklamo.

“It is not my intention to preempt any discussion on sufficiency. But by form, dapat supported ‘yan by a House member, dapat signed ng private individual at dapat verified by an authorized officer.”

Ang naturang rules ay matagal ng nabuo para masigurong may kaayusan at patas na proseso ng impeachment.

“Hindi puwedeng baguhin ang proseso at saka magrereklamo na may humaharang. The rules are clear, and they apply to everyone, pahayag pa ng mambabatas.
(Vina de Guzman)