• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na wanted sa Sorsogon, tiklo nang kumuha ng police clearance sa Valenzuela

ISANG lalaki na wanted sa kaso ng Child Abuse sa lalawigan ng Sorsogon ang arestado nang kumuha ng police clearance sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Pansamantalang nakapiit ang 30-anyos na akusado, residente ng Brgy., Canumay West sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police Station habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.

Sa ulat, bandang alas-2:00 ng hapon nang magtungo sa National Police Clearance Section (NPCS) sa Valenzuela CPS sa Brgy. Malinta ang akusado para mag-apply ng police clearance na gagamitin niya sa pag-apply ng trabaho.

Gayunman, nang biripikahin sa e-warrant system ang pangalan ng akusado ay nadiskubreng may standing warrant of arrest ito na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 54, Gubat, Sorsogon, noong September 16, 2025 para sa paglabag sa Section 10 (A) ng R.A. 7610 – Anti-Child Abuse Law na na may inirekomendang piyansa na P80,000.

Sa tulong ng Warrant and Subpoena Section (WSS), isinagawa ang pagsilbi sa akusado ng naturang warrant of arrest na nakadokumento gamit ang Body-Worn Camera.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Christopher Dela Cruz, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang arresting team para sa kanilang kasipagan, disiplina, at propesyonalismo na binigyang-diin ang patuloy na pangako sa mga legal na operasyon at kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)