PBBM, sa mga civil servants na may katangi-tanging public service: ‘Kayo ang puso ng gobyerno’
- Published on January 29, 2026
- by @peoplesbalita
PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga civil servants na nakapagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa kani-kanilang larangan at nakapagpakita ng outstanding public service na may ‘puso, integridad at kahusayan.’
“Ipinagdiriwang natin sa araw na ito, ang puso ng pamahalaan. Ang mga kawaning tahimik na naglilingkod para sa sambayanang Pilipino at sa bansa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang mensahe na inihayag ni Executive Secretary Ralph G. Recto sa isinagawang Pagpupugay 2025: Gawad Lingkod Bayani Ceremony sa Palasyo ng Malakanyang.
Binigyang diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga public servants sa nation-building, sabay sabing ang kanilang pagsusumikap at integridad ay nagpatibay ng tiwala ng publiko at nagpahusay sa paghahatid ng mga mahahalagang serbisyo.
“Para sa lahat ng tumanggap ng parangal ngayon, kayo ang patunay na ang diwa ng tapat na paglilingkod ay buhay sa ating pamahalaan. Sa gitna ng dilim at ingay, kayo ang hibla ng liwanag na nagbibigay pag-asa sa ating sambayanan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga honorees.
“Kayo ang patunay na maraming mabubuting empleyado sa ating pamahalaan. Kayo ang patunay na hindi kailangan maging tanyag upang tumulong sa bayan. At kayo ang patunay na anumang antas ng tungkulin, may kakayahan ang bawat isa na maglingkod ng may dangal,” dagdag na wika nito.
Ang Gawad ng Lingkod Bayani, pinangunahan ng Civil Service Commission (CSC), kinilala ang mga empleyado ng gobyerno na may natatanging ‘economic at social contributions, kapansin-pansin na achievements, at matatag na commitment sa pinakamataas na ethical standards.
Ipinagkaloob ang mga parangal sa ilalim ng tatlong kategorya: Gawad Lingkod Bayan ng Pangulo, Gawad Dangal ng Bayan, at Gawad Pagasa.
Ngayong taon, may kabuuang 24 indibidwal at anim na pangkat ang pinagkalooban.
Ang mga awardees ay nakatanggap ng gold-gilded medallions, plaques, at cash rewards mula P100,000 hanggang P200,000. May ilan namang recipients ang nakakuha ng eligibility para sa automatic promotions at scholarships para sa kanilang sarili o para sa kanilang benepisaryo.
“Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, maraming, maraming salamat sa inyong katapatan, sipag, at malasakit. Patuloy ninyong isabuhay ang diwa ng bagong Pilipino – disiplinado, mahusay, at mapagmahal sa bayan,” ayon sa Pangulo.
( Daris Jose)