Gobyerno, tinamaan ang 2025 job targets; PBBM, nais ang mas malalim na budget reforms – Malakanyang
- Published on January 28, 2026
- by @peoplesbalita
NALAMPASAN ng gobyerno ang ’employment at poverty-reduction targets’ nito para sa taong 2025.
Ito’y matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang karagdagang reporma sa paggamit ng public funds, partikulat na para sa flood control at climate resilience projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na pinangunahan ni Pangulong Marcos ang 7th Economic and Development Council (EDC) meeting sa Malakanyang, araw ng Lunes, kung saan iniulat ng economic team ang mas malakas na labor market outcomes at napanatiling poverty reduction.
Ayon sa economic team, bumaba ang unemployment rate mula 0.3% noong 2020 ay naging 4.7% noong 2025, nagpapahiwatig ng matatag na pagtaas sa bilang ng mga Pinoy na may ‘stable employment.’
“Ibig sabihin nito ay dumarami na ang mga kababayan nating may disenteng trabaho,” ang sinabi ni Castro.
Bumaba rin ang underemployment, mula 16.2% noong 2020 ay naging 13.6% noong 2025, sumasalamin sa napahusay na kalidad ng trabaho at mas maganda at tugmang kasanayan sa mga oportunidad sa trabaho.
Muli namang inulit ng economic team ang commitment ng administrasyon na makalikha ng de-kalidad na hanapbuhay at bitbitin ang poverty incidence pababa sa single-digit levels sa 2028.
“Data presented during the meeting showed that 2.4 million fewer Filipinos lived in poverty from 2021 to 2023, with the number of poor declining to 17.5 million in 2023, down from 19.9 million in 2021.
This trend aligns with the latest surveys indicating a sustained reduction in poverty incidence,” ayon kay Castro.
Tinuran pa ni Castro na ang inflation ay nananatiling manageable, nakapagbigay ng mas ‘stable environment’ para sa paglago at ‘household spending.’
“Ipinag-utos ng Pangulo na bigyang-tugon ang flood control issue, epekto ng climate change at ilang external forces na sumusubok sa ekonomiya ng bansa,” ani Castro.
Binigyang diin din aniya ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa reporma sa paggamit ng public funds upang maiwasan na maulit ang maanomalyang flood control projects.
“Naniniwala ang Pangulo na kailangang magkaroon ng reporma sa paggamit ng pondo ng bayan upang hindi na maulit ang nangyari noong mga nakaraang mga maanomalyang flood control projects,” ang pahayag ni Castro.
Samantala, sa usapin naman ng climate action, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pinahusay na forecasting, pagtugon, at adaptation sa pamamagitan ng moderno at akmang teknolohiya.
Nanawagan din ang Pangulo para sa mas malakas na kooperasyon kasama ang ibang bansa partikular na ang nasa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), para palakasin ang ‘economic stability at regional resilience.’