• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco, pinasaringan ni Abante

‘GUSTO mo bang ikaw na ang susunod na meow-meow?’
Ito ang pagtatanong ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante kay Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco.
Ang reaksyon ng mambabatas ay bunsod na rin sa patuloy na pahayag ni Tiangco na mga walang basehang intriga laban kina Pangulong Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay sa budget.
Sinabi ni Abante na ang pauli-ulit na patutsada ni Tiangco ay nagiging dahilan para magkaroon ng dibisyon ay pagkalito sa kabila ng kawalan ng ebidensiya at formal complaints.
“Gusto mo bang ikaw na ang susunod na meow-meow?” Kung may ebidensiya, ilabas. Kung wala, tigilan na ang paninira at ang paghahasik ng pagkakawatak-watak. Paulit-ulit siya, parang sirang plaka,” ani Abante.
Itinanggi ni Palace Press Officer Claire Castro ang umano’y private conversation na tinutuligsa ni Presidente Marcos si dating Speaker Romualdez. Sinabi pa ni Castro na walang binanggit na nagkaroon ng ganitong pag-uusap.

Nagbabala si Tiangco na hihiwalay ito sa pulitika kay Presidentr Marcos kapag may naramdaman na pagtatangka ng Chief Executive na protektahan si Romualdez mula sa flood control controversy.

Binanggit ni Abante ang sentimyento ni Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng ACT Teachers na binatikos ang pahayag ni Tiangco na tumanging lagdaan ang bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte hanggang hindi nahuhuli ang “big fish.”

“There are serious and still unanswered alleged issues of corruption involving the Vice President. These are entirely separate from the flood control controversy, which must be approached strictly on the basis of evidence. It is unfortunate that this discussion is being muddied by tactics reminiscent of galawang DDS,” ani Abante.

Una nang inihayag ni Tiangco na ang pananagutan ay dapat ipataw sa lahat ng nasa gobyerno kahit na ang isyu ay kaugnay kina President Marcos o Vice President Sara Duterte.

Iginiit ni Abante na walang nakitang findings ang Independent Commission on Infrastructure (ICI), laban kay dating Speaker sa ginawa nitong rebyu sa flood-control projects.

Maging si Senate Blue Ribbon Committee chair at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson aniya, ay inihayag sa publiko na walang ebidensiya na nagsasangkot kay Romualdez sa anumang iregularidad sa usapin.

“Malinaw ang sinabi ni Senator Lacson: walang ebidensiya. Kapag ang mismong Senate Blue Ribbon na ang nagsabi niyan, ano pa ang hinahabol?” pahayag ni Abante.

Kinuwestiyon ni Abante ang motibo ni Tiangco sa patuloy nitong pagsusulong ng isyu sa kabila ng paulit-ulit na klaripikasyon mula sa mga institutions na naatasang mag-imbestiga.

“Kung paulit-ulit na sinasabi ng mga institusyon na walang basehan, bakit pilit pa ring binubuhay ang isyu? Ano ba talaga ang motibo—paghahanap ng katotohanan o pulitikang paninira?” pagtatanong nito.
(Vina de Guzman)