PBBM INIUTOS ANG MAAGANG PAGLABAS NG BUONG P1.19 T PONDO PARA SA MGA LGU
- Published on January 28, 2026
- by @peoplesbalita
ALINSUNOD sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang PhP1.19 trilyon na National Tax Allotment (NTA) ng local government units (LGUs) para sa buong Fiscal Year 2026.
Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iniutos ng Pangulo ang agarang pagpapalabas ng naturang pondo para masigurong magpapatuloy ang mga pampublikong serbisyo at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa buong bansa.
“Bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr. na masigurong ang pondo ng gobyerno ay mabilis at ramdam ng taumbayan, inilabas na ng Department of Budget and Management ang PhP1.19 trillion National Tax Allotment ng mga LGUs para sa kasalukuyang taon,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa ni Castro, inaprubahan ni Acting DBM Secretary Rolando Toledo ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notices of Cash Allocation (NCA) nitong Enero 26. Saklaw nito ang buong taong pangangailangan ng NTA ng mga LGU sa buong bansa, alinsunod sa awtorisasyon ng 2026 General Appropriations Act.
Ayon kay Castro, ang pondo ay direktang nilagak sa mga awtorisadong government servicing banks ng mga LGU, alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan sa budgeting, accounting, at auditing.
“Ayon sa DBM, ang buo at maagang paglabas ng budget sa mga LGU ay patunay na ang 2026 budget ay nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng taumbayan,” diin ng Palace Press Officer.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga LGU, prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang mabilis na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at mga programang direktang makaaapekto sa mga komunidad, ayon kay Castro.
“Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., mas palalakasin pa ang kakayahan ng local government. Panawagan naman ng Pangulo sa mga LGU: gamitin ang budget para sa mga awtorisadong pakay at sumunod sa reporting requirements bilang bahagi ng transparency at accountability standards ng pamahalaan,” dagdag ni Castro.
(Daris Jose)