Sakay ng M/V Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping Lines… 18 patay, 24 missing sa lumubog na RoRo vessel
- Published on January 28, 2026
- by @peoplesbalita
UMAKYAT na sa 18 pasahero ang kumpirmadong nasawi, 317 ang nasagip at 24 iba pa ang nawawala nang lumubog ang isang Roll-on/Roll-off (RoRo vessel) sa katubigang sakop ng Basilan nitong Lunes ng madaling araw.Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), ang M/V Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping Lines, ay nanggaling sa pantalan ng Zamboanga City at patungo sana sa pantalan ng Jolo, Sulu, nang sinawimpalad na lumubog dakong ala-1:50 ng madaling araw.Kaagad namang nagsagawa ang mga awtoridad ng search and rescue operation upang sagipin ang mga biktima.Ayon sa PCG, hindi overloaded ang lumubog na barko nang umalis ito mula sa Port of Zamboanga City, dakong 9:20 ng gabi nitong Linggo may 2.75 nautical miles (5 kilometro) sa northeast ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.May lulan lamang anila itong 332 pasahero at 27 crew members, na pasok sa authorized maximum capacity.Lumitaw naman umano sa salaysay ng ilang survivors na hindi maalon at kalmado ang dagat nang maganap ang trahedya.Kaugnay nito, binuksan na rin ng Coast Guard Station Western Sulu ang isang information desk upang tumulong sa mga pamilya ng mga biktima, gayundin sa mga concerned parties hinggil sa mga pasahero ng barko.“The help desk serves as a centralized point for verified updates, coordination, and inquiries related to the incident,” anang PCG.(Gene Adsuara)