• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, TUTUGISIN ANG OPERASYON NG MGA ILLEGAL TERMINAL SA BUONG BANSA

NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Giovanni Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), na tutugisin ang operasyon ng mga illegal na terminal sa buong bansa, lalo na sa mga urban na lugar.Ipinahayag ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na kasalukuyan nang binabalangkas ng ahensya ang isang polisiya upang hindi na ma-renew ang prangkisa ng mga pampublikong sasakyang bulok at hindi ligtas.“Sa napakatagal na panahon, laging binabalewala ang kapakanan ng ating mga kababayang mananakay. Dapat na itong matigil. Ngayon ay nagsisimula na kami ng agresibong reporma na nakatuon sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong commuter,” ani Chairman Mendoza.Ayon kay Chairman Mendoza, ang mga ilegal na terminal ay karaniwang pugad ng mga colorum na sasakyan at pinagmumulan ng katiwalian sa kalsada. Kadalasan, ang mga ito ay matatagpuan sa mga delikadong lugar na may mababang kalidad ng pasilidad, walang maayos na silungan, malinis na palikuran, at komportableng espasyo para sa mga buntis, bata, PWDs, at nakatatanda.Binigyang-diin niya na labag ito sa polisiya ng LTFRB hinggil sa tamang pamantayan ng mga terminal ng pampublikong transportasyon, kung saan ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero ang dapat na pangunahing prayoridad.Ipinaliwanag din ng LTFRB na ang mga colorum na sasakyan ay walang insurance system, kaya’t sa oras ng aksidente, ang mga pasahero at kanilang pamilya ang magbabayad ng gastusin sa pagpapagamot o libing.Ang kampanya laban sa ilegal na terminal ay hindi lamang nakatuon sa mga kalsada at makeshift na estruktura, kundi pati na rin sa mga ilegal na terminal sa loob ng mga mall at iba pang establisyimento.“Ang mga terminal na nagpapahintulot sa operasyon ng colorum na sasakyan ay hindi maa-accredit at ang kanilang mga opisyal ay kakasuhan,” babala ni Chairman Mendoza.Magpapadala rin ang LTFRB ng mga “mystery passengers” upang matukoy ang mga ilegal na terminal, partikular sa Metro Manila at iba pang urban na lugar. Makikipag-ugnayan din ang ahensya sa iba pang tanggapan ng pamahalaan para sa mas masusing imbestigasyon.Inatasan na rin ang lahat ng Regional Directors ng LTFRB na magsagawa ng biglaan at random na inspeksyon sa mga bus station at PUV terminal sa kani-kanilang nasasakupan.“Hindi natin dapat hintayin ang mga holiday bago magsagawa ng inspeksyon. Ang mga hindi susunod ay dapat asahan ang kaukulang parusa,” giit ni Chairman Mendoza.Dagdag pa niya, hindi lamang pagtanggal ng mga ilegal na terminal ang layunin ng operasyon, kundi pati na rin ang imbestigasyon upang papanagutin ang mga taong responsable sa pagpapanatili at pamamahala ng mga ito.Malinaw na Instruksyon: Kapakanan ng Mananakay ang Una. “Ang utos ni Secretary siguruhin ang comfort safety and convenience ng mga pasahero” Said chairman Mendoza.Pinayuhan niya ang lahat ng PUV operators na gumamit lamang ng mga terminal na accredited ng LTFRB. “Kung patuloy silang susuporta sa mga hindi accredited na terminal, maaaring masuspinde at tuluyang mabawi ang kanilang prangkisa,” aniya. (PAUL JOHN REYES)