Kaugnay ng “ghost” flood control projects sa Bulacan… Subpoena vs Jinggoy kinakasa na ng DOJ
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
TAKDA nang i-subpoena ng Department of Justice (DOJ) si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng “ghost” flood control projects sa Bulacan.
Ito ang sinabi sa QC briefing ni Prosecutor General Richard Fadullon, head ng National Prosecution Service ng DOJ na nagsasagawa ng pagbusisi sa flood control scandal sa bansa.
Aniya, si Estrada ang isa sa nais nilang ipatawag sa susunod na linggo para maisagawa ang preliminary investigation hinggil sa kaso.
Bukod dito, may tatlo pang kasong may kinalaman sa anomalya sa flood control ang kanilang isasampa rin sa susunod na linggo laban sa mga dating opisyal ng DPWH-Bulacan at anim na contractor na sinasabing nakinabang umano sa proyekto.
Hindi lamang aniya agad naisasagawa ang pagsasampa ng kaso dahil maingat sila sa paghimay sa imbestigasyon.
Aniya, kailangang dumaan sa proseso ang isasampang kaso para matiyak na may prima facie evidence na hawak para maidiin ang mga inaakusahan dito.
Humingi rin ng paumanhin si Fadullon sa publiko sa mabagal nilang pagsasampa ng kaso sa mga inaakusahan sa ghost flood control projects.
“Alam naming na maraming tao na ang naghihintay sa pagsasampa ng kaso naming. Marami nagsasabi bakit sinabi Pasko may makukulong na big mga big fish” bakit ilan lang ang nakasuhan. Kaya nga humihingi kami ng paumanhin sa mamamayan na hindi ganun kabilis na makapagsampa ng kaso sa mga inaakusahan dito dahil mayroon kaming sinusunod na proseso at dapat matindi ang hawak naming mga ebidensiya laban sa mga akusado,” paliwanag ni Fadullon.
Sa ngayon si dating Senador Bong Revilla pa lamang na kinasuhan sa flood control ghost projects ang sinasabing “big fish” na nakakulong ngayon sa BJMP detention cell.
( Daris Jose)