2 tulak, laglag sa Caloocan drug bust
- Published on January 24, 2026
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang dalawang drug suspects kabilang ang isang ginang nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Cha”, 41, at alyas “Jing” 52, kapwa ng Pepino Alley, Brgy.,133, Bagong Barrio.
Ayon kay Col. Goforth, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa mga suspek sa koordinasyon sa PDEA matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-3:22 ng madaling araw sa Pepino Alley, Brgy 133.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 11.29 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P76,772 at buy bust money.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Custodial Facility Unit ng Caloocan CPS at kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Binati naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Caloocan City Police Station sa kanilang pagsisikap para maaresto ang mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga. (Richard Mesa)