₱186-M HALAGA NG MGA TANIM NA MARIJUANA, WINASAK SA LOOB NG 6-NA-ARAW NA SUNUD-SUNOD NA OPERASYON NG PDEA
- Published on January 24, 2026
- by @peoplesbalita
TINATAYANG aabot sa ₱186,438,800.00 na halaga ng ganap na lumaking mga tanim na marijuana, mga punla, at mga namumungang tuktok ng marijuana ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office I (PDEA RO I) sa pamamagitan ng Regional Special Enforcement Team (RSET), katuwang ang PDEA La Union Provincial Office (LUPO), PDEA Pangasinan Provincial Office (PANGPO), PDEA Ilocos Sur Provincial Office (ISPO), PDEA Ilocos Norte Provincial Office (INPO), Police Regional Office I – Regional Mobile Force Battalion (PRO I-RMFB), Ilocos Sur Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit (ISPPO-PDEU), ISPPO–Provincial Investigation and Detection Management Unit (ISPPO-PIDMU), ISPPO 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company (ISPPO 1st/2nd PMFC), PNP Drug Enforcement Group (PDEG), at Sugpon Police Station.
Isinagawa ang matagumpay na anim na araw na sunud-sunod na operasyon sa eradikasyon ng marijuana mula Enero 16 hanggang 21, 2026, na nagresulta sa pagbuwag ng maraming plantasyon ng marijuana na matatagpuan sa mga pinagtatalunang hangganan ng Ilocos Sur at Benguet, partikular sa mga liblib at bulubunduking lugar ng Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet, kabilang ang Mount Boa at Mount Leteban.
Ayon kay PDEA RO I Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi, sa loob ng anim na araw na operasyon, sistematikong natunton, binunot, at winasak ng mga pinagsamang puwersa ang mga taniman ng marihuana na sumasaklaw sa kabuuang lawak na 106,500 metro kuwadrado sa 144 na plantasyon na na-neutralisa sa serye ng mga operasyon.
Dagdag pa ni RD Gaspi, kabuuang 628,295 piraso ng ganap na lumaking mga tanim na marijuana na nagkakahalaga ng ₱125,647,000.00, 211,795 piraso ng mga punla ng marihuana na may halagang ₱44,471,800.00, at 135 kilo ng namumungang tuktok ng marijuana na tinatayang ₱16,320,000.00 ang binunot at winasak sa naturang operasyon.
Binigyang-diin ng PDEA RO I na ang tuluy-tuloy na mga operasyon sa eradikasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan upang pigilan ang pagtatanim at paglaganap ng ilegal na droga mula sa pinagmulan nito, lalo na sa mga geographically isolated at boundary areas na sinasamantala ng mga sindikato ng droga. (PAUL JOHN REYES)