• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Goitia: walang puwang ang pananakot, hindi uurong ang soberanya at katotohanan ng Pilipinas

HINDI isang simpleng sagutan lamang ang naging palitan ng pahayag nina Commodore Jay Tarriela ng Philipine Coast Guard at ng Chinese Embassy sa Maynila kung hindi ito ay hayagang tangka upang patahimikin ang Pilipinas at subukin ang katatagan na ipaglaban ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
“Makatotohanang ebidensya at hindi propaganda ang inilalahad ng Coast Guard,” ani Dr. Jose Antonio Goitia. “Hindi nagiging mali ang katotohanan dahil lamang hindi ito kanais- nais sa iba.”
Ang mga pahayag ni Commodore Tarriela ay nakabatay sa opisyal na mga ulat, mga larawan at dokumentaryo ng katotohanang mga insidente sa dagat. Hindi ito gawa-gawa lamang o haka haka. Lalo nang hindi paninira sapagkat may kalapakip na ebidensya ng katotohanan dagdag pa ni Goitia.

Aniya, ang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi lamang personal na aksyon ng isang opisyal dahil ito ay isang malinaw na polisiya ng administrasyon ni PBBM na ihayag sa mga Pilipino ang totoong nangyayari na walang itinatago.
“Kapag hinihingi ang pananahimik ng isang opisyal,” paliwanag ni Goitia, “ang tinatamaan ay ang patakaran ng estado. Ang transparency ay hindi opinyon. Ito ay pagpapakita ng paninindigan ng Pilipinas”.
Maliwanag aniya ang posisyon ni Commodore Tarriela. Ang paglalahad ng katotohanan ay isang pananagutan . Walang ulat na itatago at walang teritoryong isusuko. Nakatindig ang Pilipinas sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.
Lumampas na aniya ang China sa hangganan ng diplomasya. Mula sa pahayag ng kanilang embahada, umabot ito sa hayagang babala ng Foreign Ministry ng Beijing, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito, na ang mga opisyal ng Pilipinas at Coast Guard ay dapat tumigil sa kanilang pahayag o “pay the price”.
Ito ay lantad na pananakot at hindi diplomasya. Ang naging pahayag ng Tsina sa harap ng international community ay hindi makatarungan at isang malinaw na tanda ng pananakot at panggigipit.
Walang banta, gaano man kalakas o kadalas, ang kayang burahin ang ebidensya o pahinain ang paninindigan ng Pilipinas.
Nanawagan din si Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tugunan ang agresibong asal ng China alinsunod sa Vienna Convention.
“Estado ang nakikipag usap sa estado,” ani Goitia. “Hindi dapat tinatakot ang mga lingkod -bayan na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin.”
“Ang soberanya ay pinangangalagaan sa batas at matatag na paninindigan,” diin ni Goitia.
Ang paglalahad aniya ng katotohanan ay hindi paninira. Ito ay disiplina. Ito ay tungkulin. At ito ay hindi hihinto.
Ginampanan ng Philippine Coast Guard ang mandato nito. Nagsalita si Commodore Tarriela ng may katatagan at awtoridad. Ang tungkulin ngayon ng estado ay ipagtanggol ang sarili nitong mga institusyon.
“Tumatatag ang republika,” pagtatapos ni Goitia, “dahil hindi ito natitinag kapag hinaharap ang katotohanan”. (Richard Mesa)