Sa mga taong nais siyang mawala sa puwesto … “Wag kayo munang masyadong excited dahil it’s not a life-threatening condition”- PBBM
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
“I’M FINE.”
Ito ang naging pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang video statement bilang tugon na rin sa paghingi ng publiko ng ‘proof of life’ matapos siyang dalhin sa St. Lukes Hospital, Miyerkules ng gabi dahil nakaramdan ng ‘discomfort.’
“I’m feeling very different from the way I was feeling before. Naayos na ‘yung problema. What happened was, apparently, I now have diverticulitis. It’s a common complaint amongst, apparently, people who are heavily stressed and people who are, I have to admit, growing old,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
Ang Diverticulitis ay isang kondisyon na nakaaapekto sa digestive system. Ito ay nagiging sanhi ng problema sa bowel movements at maaaring maging sanhi ng matindi at pabigla-biglang sakit sa tiyan.
Inamin ng Pangulo na kasama na rin ang ‘overworked’ siya sa trabaho sa pagsama ng kanyang pakiramdam.
“Well, yeah. Of course, lagi namang sinasabi ng doktor sa’kin ‘yun eh pero paano mo naman gagawin ‘yun. Ang daming trabaho,” ang winika ng Pangulo.
Kaya nga ang mensahe ng Pangulo sa mga taong nais siyang mawala sa puwesto ay “Wag kayo munang masyadong excited dahil it’s not a life-threatening condition.”
Binigyang diin ng Pangulo na walang dapat na ipag-alala ang publiko sa kanyang kondisyon.
“Huwag kayong mag-alala. The rumors of my death are highly exaggerated,” giit nito.
Samantala, balik- Malakanyang na ang Pangulo matapos manatili nang magdamag sa Luke’s Hospital sa Quezon City para isailalim sa precautionary medical observation dahil nakaramdam ng ‘discomfort’.
Ani Castro, maayos na ngayon ang kondisyon ng Pangulo matapos na dalhin sa nasabing ospital, Miyerkules ng gabi dahil sa naramdaman ngang discomfort.
“The President continued to carry out his responsibilities while under medical observation and has returned to Malacañang,” ani Castro.
”Siya po ay nasa maayos na kalagayan at mamayang hapon po ay magkakaroon pa po siya ng dalawang pribadong meetings,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Aniya pa, walang dapat na ipag-alala ang publiko lalo pa’t ‘fully capable’ ang Pangulo na gampanan ang kanyang tungkulin at ipagpapatuloy nito ang kanyang mga naka-iskedyul na aktibidad.
Sa katunayan, ipinagpatuloy na ng Pangulo ang pakikipag-ugnayan sa mga makabuluhang opisyal sa pamamagitan ng serye ng pribadong pagpupulong at nalalapit na public engagements.
“Ang importante rito at dapat natin maipaalam sa ating mga kababayan na siya po ngayon ay muling nagtatrabaho at nasa Malacañang. Siya ay nasa maayos na kalagayan at mamayang hapon ay magkakaroon pa siya ng dalawang pribadong meetings,” ang tinuran pa rin ni Castro. ( DARIS JOSE)