• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

BARZAGA NAGHAIN NG COUNTER AFFIDAVIT SA DOJ

NAGHAIN ng kanyang counter affidavit sa Department of Justice ( DOJ) si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga kaugnay ng inihaing reklamo ng PNP-CIDG na may kinalaman sa anti-Marcos protest at online post.

Sa panayam ng mga mamamahayag , naging kumpiyansa si Barzaga na ibabasura ng panel of prosecutors ang reklamong inciting to sedition at inciting to rebellion na inihain laban sa kanya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Nag-ugat ang reklamo kay Barzaga kasunod ng kanyang post sa social media na may kinalaman sa panawagang
ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Isa rin sa basehan ng reklamo ng PNP-CIDG ang pangunguna ni Barzaga sa Anti-Marcos protest sa Forbes Park sa Makati City, October 12 noong nakaraang taon o public protest na walang permit.

Sa kanyang counter-affidavit iginiit ni Barzaga na bahagi lamang ng freedom of speech ang kanyang post online at wala naman umanong karahasang nangyari noong protesta.

Umaasa rin ang mambabatas na mareresolba ang kanyang ethics complaint bago siya bumalik sa Kongreso sa Pebrero.

Pagdating naman sa kanyang trabaho at pagseserbisyo sa kanyang distrito bilang mambabatas, sinabi ni Barzaga na hindi naman nakaapekto ang kinakaharap niyang ethics complaint. (Gene Adsuara)