CHAIRPERSON MENDOZA AGAD NA PINAIIMBESTIGAHAN ANG ISABELA ROAD CRASH
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, ang Regional Director ng Cagayan Valley Region na pabilisin ang pagproseso at pag-release ng insurance payment para sa lahat ng biktima ng banggaan ng isang truck at pampasaherong jeepney sa Luna, Isabela nitong Miyerkules, Enero 21.Tatlong katao ang unang naiulat na nasawi dahil sa malakas na impact. Binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na dapat agad na maipaabot ang tulong sa kanilang mga pamilya, gayundin sa mga nasugatan.“Sa ngalan ng mga kawani ng LTFRB, ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa malungkot na pangyayaring ito,” ani Chairperson Mendoza.“Alam naming hindi mapapalitan ang buhay at walang anumang tulong ang makakabawas sa sakit ng pagkawala ng isang kapamilya. Ngunit ang magagawa natin ngayon ay tiyakin na ang karapatan ng mga biktima sa insurance payment ay maprotektahan at mapabilis.”Ayon kay LTFRB Region 2 Regional Director Atty. Richard Dayag, agad silang kumilos matapos mamonitor ang kumalat na video ng aksidente na iniulat ng isang lokal na news agency sa social media. Agad na nag-deploy ng mga tauhan upang magsagawa ng imbestigasyon at kumuha ng kopya ng police report. Batay sa paunang ulat, naganap ang aksidente sa kahabaan ng national highway nang mawalan ng kontrol ang driver ng dump truck dahil sa bilis at madulas na kalsada, dahilan upang bumangga ito sa jeepney na paparating mula sa kabilang direksyon.Dahil sa matinding impact, tumaob ang jeepney, na nagresulta sa pagkahulog ng ilang pasahero at pagkakahiwalay ng bubong ng sasakyan.Alinsunod sa utos ni Chairperson Mendoza, sinabi ni RD Dayag na nagsimula na silang makipag-ugnayan sa transport cooperative na may-ari at nagpapatakbo ng jeepney, gayundin sa Passenger Accident Management & Insurance Agency, Inc. (PAMI), upang mapabilis ang pagproseso ng insurance claims.Bilang bahagi ng protocol, naglabas din ng show cause order laban sa operator ng jeepney upang matukoy ang road worthiness ng naturang sasakyan.(PAUL JOHN REYES)