Malakanyang, kumpiyansang magsasabi ng totoo si Bonoan ukol sa flood works probe
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ng Malakanyang na nagtitiwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan na magsasalita ng totoo sa oras na humarap na ito sa Senate investigation hinggil sa di umano’y iregularidad sa public infrastructure projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naniniwala si Pagulong Ferdinand Marcos Jr., na naiintindihan ni Bonoan na seryoso ang pagpapatotoo sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan ang mga pahayag ay isinasailalim sa isang panunumpa.
“Naniniwala po ang Pangulo na si dating secretary Manny Bonoan ay magsasabi ng katotohanan lalong-lalo naman po na siya ay nasa Senado at under oath ang kaniyang mga sinasabi. So, kailangan lamang po tayo umasa na mga katotohanan lamang ang kaniyang sasabihin,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Patuloy kasi ang ginagawa ng Senate Blue Ribbon Committee na imbestigasyon ukol sa di umano’y anomalya na nagsasangkot sa infrastructure projects.
Sa katunayan, kabilang sa humarap sa pagdinig ang mga pina-subpoena na sinasabing sabit sa isyu na sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating DepEd Usec. Trygive Olaivar, dating Special Envoy to China Maynard Ngu, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, DPWH Region 4B Regional Director Engr. Gerald Pacanan at DPWH NCR Regional Director Engr. Gerard Opulencia.
Samantala, binigyang diin ni Castro na ang Senate hearings ay may gabay ng mahigpit na ‘rules at legal accountability’, sabay sabing ang mga testigo ay dapat at kinakailangan na magsabi ng totoo o mahaharap sa posibleng legal consequences. ( Daris Jose)