Bago pa ihain ang arrest warrant laban sa kanya… Kusang loob na pagsuko ni dating Senador Bong Revilla pinuri ng Malakanyang.
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
PINURI ng Malakanyang ang ginawang kusang loob na pagsuko ni dating Senador Bong Revilla kasunod ng inilabas na mandamyento de aresto laban sa kanya
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ‘magandang gesture’ ang ginawa ng dating Senador dahil ipinakita nito sa taumbayan na handa niyang harapin ang mga akusasyon sa kanya at sumunod sa itinatakda ng batas.
Iyon nga lamang, sana ay na-appreciate ng taumbayan ang nasabing hakbang ng dating mambabatas na hindi ginagawa ng iba pang akusado.
Kabaliktaran aniya ang ginagawa ng iba na ngayon ay patuloy sa pagtatago habang ang iba’ y lumipad pa nga ng ibang bansa.
Sumuko ang dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa ulat, sinabing dumating si Revilla sa Camp Crame sa Quezon City dakong 9:58 pm, araw ng Lunes. (Daris Jose)