• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

1 todas, 1 sugatan sa pamamaril sa Valenzuela

TUMIMBUWANG sa harap ng dalawa niyang kausap ang duguang katawan ng 50-anyos na obrero nang barilin ng tambay habang sugatan din ang 63-anyos na lola makaraang tamaan ng ligaw na bala sa Valenzuela City, Lunes ng hapon.

Nalagutan ng hiningan habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Pepito Lopez, ng Barrio Bitik, Gen. T. De Leon sanhi ng tama ng bala sa leeg habang nalapatan naman ng lunas ang lolang si alyas “Gerlie” nakatira sa Serrano St. Brgy. Marulas, na tinamaan ng bala sa kaliwang binti.

Kaagad namang naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Doddie”, 47, malapit sa kanyang tirahan sa Anak Dalita Compound, Brgy. Marulas na positibong kinilala ng 33-anyos na factory worker na nakasasksi sa pamamaril.

Sa ulat ni Col. Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatayo sa tabi ng kanyang bisikleta ang biktima sa Serrano Street habang may kausap na dalawang lalaki dakong alas-2:30 ng hapon nang dumaan ang suspek.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek na armado ng isang revolver at malapitang binaril ang biktima sa hindi pa mabatid na dahilan.

Tumagos ang bala sa leeg ng biktima at tumama sa matigas na bagay bago nahagip ang lolang si Girlie sa binti.

Matapos ang pamamaril, nagtatakbong tumakas ang suspek patungo sa Anak Dalita Compound kung saan sya nadakip ng mga tauhan ni Col. Talento habang isinugod naman ang mga biktima sa nasabing pagamutan, samantaalng inaalam pa ang motibo sa insidente. (Richard Mesa)